Be One of My Froglets

Search This Blog

Monday, March 8, 2010

Witness

"I have been a witness to death, and a witness to life; although I am yet to be witness to everything in between."



March 5, 2010 - isinilang si Faith Adelaide kina Archie at Zeny Pahamutang. Hindi ko nakita ang pagsilang ng mga sarili kong mga pamangkin, kaya iyon ang una kong pagkakataon na masilayan kung paano ang unang pagkikita ng isang ina sa kanyang unang anak. Nakakaiyak, at naantig naman ako sa kanilang eksena. Andoon na ang tuwa, at paano busisiin ang bata, pagmasdan at alamin kung kaninong ilong; kanino'ng paa, kaninnong mata at bibig... napakaganda nilang tingnan.



April 28, 2004 - binawian ng buhay ang Daddy ko sa aking tabi sa IKALAWANG pagkakataon, hindi na nakayanan ng mga doktor at nurses na ibalik siya katulad noong una. Noong unang pagkakataon, hawak pa niya ang braso ko habang nakatitig sa akin. Hinatak na lamang akong papalabas ng kuwarto, habang ipinapasok nila ang defibrilator upang gamitin sa akin ama. Sa ikalawang pagkakataon, tahimik na lamang nila akon hinawi, habang natulog na lamang ang Daddy ko at hindi na nagising.


Saksi man ako sa dalawang pangyayaring ito, ang pagsisimula ng buhay ng isa, at ang pagpanaw naman ng nauna, hindi ko pa rin maubos-maisip kung papaano na BOBO pa din ako sa buhay. Mamalas mo man ang umpisa at katapusan ng Sansinukob ay hindi mo pa rin maipapaliwanag ang mga nangyayari sa pagitan nito.

Ang bawat pagsilang at pagpanaw natin sa tuwing may pangyayaring nakakapagbago ng ating buhay at pagkatao, ang bawat pagpanaw at pagsilang ng ating mga puso sa bawat relasyong nabubuo at nawawasak, ang bawat pagsilang at pagpanaw ng ating mga pangarap ay isa pari'ng misteryo para sa akin.

Ang bawat pagbangon sa pagitan ng pagsilang at pagpanaw ang hindi ko pa matutunan. Kahit ilang aklat ang aking basahin, kahit ilang kurso ang aking kuhanin, mapurol pa din ang utak ko at pang-unawa. Minsan, parang pakiramdam ko ay napakabobo ko nang tao. Bakit hindi ako matuto-tuto?

Pero may mas bobo pa sa akin. May mga taong patuloy pa din sa mali nilang paniniwala, sa mali nilang pamamaraan. May mga taong hindi bumabangon pagkatapos madapa, na sinasadya para hindi na asahan ang kanilang sarili. Matalino silang kung tutuusin, kasi hindi nila paghihirapan ang buhay sa pagitan ng pagsilang at pagpanaw... Pero ano pa nga ba ang buhay nila kundi pagsilang at pagpanaw lamang?

Ano ang kaibahan ng tao sa mga ibon sa himpapawid, ang mga isda sa dagat, ng mga halimaw sa kapatagan at mga halaman?

Kanina, dumalaw kami ng aking kaibigan sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Ikinukuwento niyta sa akin na itong nakaraang taon lamang, malago'ng malago ang park noong bandang Oktubre, kung saan dito siya nagpapalipas ng mga panahong magulo ang kanyang isipan. Maayos ang mga halaman, napapakain ang mga hayop.



Ang inabutan namin ay ang Parks and Wildlife sa tagtuyot. Dilaw ang paligid, lagas na ang mga tuyong dahon. Patay ang paligid. Hindi maalagaan dahil kapos sa tubig. Balisa ang mga hayop na nakita namin, bagamat naroroon pa din naman ang angking ganda ng kapaligiran... ngunit kagandahang nababalutan ng lumbay sa paligid.



Hindi lamang tayo isinisilang at pumapanaw.

May pagitan iyon, na kung saan binigyan ka ng Diyos ng kapangyarihang hulmahin, ariin at gamitin ang iyong buhay. Hindi ka hayop o halaman. Hindi mo iaasa ang iyong sarili sa kagandahang loob ng ibang tao, tulad na lamang ng mga halaman at hayop sa loob ng park.

"Ikaw ang may kasalanan ng iyong nakaraan at ang may kapangyarihan sa iyong kinabukasan," iyan ang palagi ko'ng sinasabi sa aking sarili. Palagi ko'ng nalilimutan.Palagi nating dapat ipaalala sa ating mga sarili; paulit-ulit na sambitin na parang dasal. Parating alalahanin, parating ariin ang ating buhay.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...