Be One of My Froglets

Search This Blog

Thursday, October 21, 2010

Highway Robbery


Araw-araw may nakawa'ng nangyayari sa EDSA. Hindi ninyo nalalaman ito, maaaring bale-wala sa iyo, pero napapansin ito ng tulad ko na ang biyahe ay mula Ayala hanggang Malanday. Tatlong oras na biyahe na maaari namang maging 2 o isa't kalahati... Ipapakita ko sa inyo kung bakit nakaririmarim ang mga ilang Bus operators. Para siyang sindikato.


Exhibit A: Ang Bus na Fully Loaded.

Masdan ninyo na ang mga bus ng ilang bus companies, tinanggal ang mga orihinal na upuan at dinagdagan ang mga ito. Sakto'ng sakto lamang ang haba ng binti ninyo mula sa sandalan hanggang sa tumama ang tuhod ninyo sa susunod na upuan sa harapan ninyo. Sa ganito'ng paraan, mas maraming tao ang makakasakay sa bus. Mas marami'ng pasahero, mas maraming pera.

Ang isle ng bus ay masikip, pero kahit marami nang nakaupo at puno na at siksikan ang mga silya, ay nagpapapasok pa rin sila ng tao hanggang ang munting isle ay mapuno. Pansinin ninyo'ng bihasa ang konduktor sa pagpupuwesto sa inyo,
"Sa likod po tayo, may bababa po sa _______" Kapag siksikan na kayo sa likod ay magpapapasok pa siya ulit. Kung pwede lang taktakin ang Bus Stop at itaktak sa loob ng bus at pagsiksikin ang mga tapo sa loob nito, ay ginawa na niya.



Kapag nagreklamo kayo o hindi kayo nakababa dahil sa pagsisiksik sa inyo sa sulok ng bus, minsan IKAW pa ang masama, at ikaw pa ang may kasalanan.

Sa ganitong paraan, nanakawan kayo ng Konduktor ng inyong COMFORT, DIGNIDAD bilang TAO, at COMMON SENSE (dahil kita naman ninyo, puno na, pasok naman kayo.) ISA PA, NANAKAWAN KA NG SAFETY. Naisip mo na ba ang maaaring mangyari kapag ang isang bus na punumpuno ng mga taong nakatayo at nakaupo ay maaksidente?

Oo, mahirap sumakay pag rush hour. Pero hindi iisa ang bus na papunta sa destinasyo mo. SINISINDAK ka lamang ng konduktor, sine-sales talk ka na niya sa simpleng "May mauupuan," "Maraming bababa sa _______" at "Fast lane." (minsan, hindi naman dadaan ng fast lane)

Minsan sasakay ako, marami daw bababa, pero noon palang naman siya maniningil ng pamasahe, paano niya nalaman na maraming bababa sa susunod na stop kung doon siya nagpuno sa istasyon na yun?" (baka bukod kay Claire dela Fuente, may bus company na din si Madam Auring!)

Exhibit B: Ang Bus Stop.

Ang Bus Stop ay hindi Terminal. Dito ka titigil PANSAMANTALA, para may pagkakataong sumakay ang mga gustong sumakay. Kung ayaw, HUWAG PILITIN. At Huwag kang manligaw na tatambay ka sa Bus Stop hanggang wala na siyang choice kundi sumakay, dahil hindi makalusot ang susunod na bus.


Sa Rush Hour, kung saan mga 5-10 bus ang dumadaan sa isang bus stop, at titigil ka doon ng mga 5-15 minuto, paano na lamang ang nasa likuran mo?



BAWAL YAN. Huwag mo'ng kagalitan ang MMDA kapag sinita ka o hinuli ka at sisigawan mo pa ng "ANO ANG VIOLATION KO?"


Swapang ka, iyan ang violation mo. Andaming bus, ang dahilanmo, gusto mong bigyan ng pagkakataon na makasakay ang pasahero sa IYO. Kung hindi ka niya inabutan, SORRY. May susunod na bus. Pinupuwersa mo rin na magtagal ang ibang bus sa likuran mo. Hindi mo naisip na nagsisiksikan kayo sa isang makitid na Bus lane na dinisenyo ng ubod talino mong BF na buti na lamang at hindi naging Vice president. Di bale na si Binay, wag lang malagyan ng Yellow Lane ang buong Pilipinas.

Sa ilang bus stop sa EDSA, ilang beses gagawing terminal ng kawatang bus ang mga bus stops? Meron 2 sa Ayala, isa sa Guadalupe, Isa sa Ortigas, Isa sa Cubao, Magkasunod ang Trinoma at SM North EDSA. (Kung mamalasin ka, gagawin din niyang TERMINAL ang tapat ng MCU) Ilang 15 minutos na ang nabibilang mo? 1 oras at 15 minuto ang nawala sa biyahe mo. Nakapaligo na ako noon, nakapaghapunan at nakataas na ang paa at nagfa-facebook sana. Pero SALAMAT SA INYO, MAINIT ANG ULO KO AT PAGOD NA MATUTULOG. Magkakasakit ka pa sa bato dahil 3 oras at minsan higit pa na hindi ka makawiwi o maka jebs. Pwedeng atakihin ka ng asthma o ng ulcer kasi di ka pa kumakain at nayiuyugyug ka. (merong mga bus drivers na sorry ha, hindi ako marunong mag drive, pero alam ko kung hindi ka talaga sanay magdrive ng bus. Baka taxi, magaling ka mag drive, pero BUS to, gurl. Saka hindi poultry ang laman ng bus mo, mga tao.)

Nanakawan ka ng oras mo at pahinga.

Exhibit C: Ang Bus na Nasiraan

Kahit kapwa bus naggogoyoan minsan. Hindi naman parati'ng nangyayari ito. Minsan, Nasakay ako ng bus pauwi ng mga alas 3 ng hapon. Masisiraan kuno ang bus at tatawag ng isa pa'ng bus para maglipat ng pasahero. Hindi ibabalik sa iyo ang bayad mo, pero may iaabot sa konduktor ng susunod na bus.

Ang siste, magchicheck ng ticket ang pangalawang konduktor at sasabihin mo na Malanday ka bababa. Magkakamot si Konduktor at sasabihing, "Boss, hindi po sinabi ng konduktor na nauna na dun ka bababa, kulang yung inabot niya."

At mapupuwersa ka'ng magbayad ng panhgalawang ulit kahit 65 pesos na ang binayad mo sa naunang bus. Bakit?  Kasi nagsisimula nang mag Rush hour at natatkot kang ma-stranded.

This time, literal kang nanakawan ng pera.


Panawagan lamang po sa mga kinauukulan, makarating sana sa may taenga ang aking blogelya, Kung gusto ninyong mawala ang korupyon, wag na kayo maghanap sa mga nakaupo sa katungkulan. SA KALSADA PA LAMANG, MAKIKITA MO NA'NG MALI ANG GINAGAWA NG MGA ITO.

Biruin mo, binigyan sila ng sarili nilang lane, para ano? Para doon sila magsiksikan at magkagulo? SIKSIKAN NA NGA SA MRT,  SIKSIKAN PA SA IBABA DAHIL SA MGA DAMBUHALANG KAWATAN NA YAN.



Hindi ko naman nilalahat ang mga Bus Operators. Meron namang matitino. Pero maraming tiwali. Oo naghahanapbuhay kayo, pero kung ang hanap buhay naman niyo ay perwisyo na sa ibang tao, baka kailangan iba na lamang ang gawin ninyong hanapbuhay.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...