Be One of My Froglets

Search This Blog

Thursday, October 21, 2010

Patay na si Tenteng.

Napagmasdan mo na ba ang buwan mula sa ilalim ng swimming pool? Yung sumisid ka sa sahig ng pool at pinagmasdan mo lang ang buwan sa ilalim ng tubig?



Yun ang pakiramdam ko kanina nang dumating ako ng Meycauayan mula sa akin malayong biyahe mula Makati. Pag uwi ko ng bahay, bukas ang ilaw, kahit alas nueve na ng gabi. Nakalugmok sa may hapag kainan angkapatid ko... Lasing. Hindi bago sa paningin ko na lasing ang kapatid ko, pero ang bago ay ang pwesto niya.

Sa veranda sila ni Tenteng umiinom palagi. Halos araw araw ko nasasalubong silang lango sa may pinto namin. Madalas iwasan ng kapatid ko na makipag inuman sa kanya, kasi nga naman, hindi sila tumitigil hanggat hindi
nalulusaw ang katinuan nila. Nagagalit din ako minsan dahil maingay sila kapag nag iinuman.


Mabait naman si Tenteng. Noong unang kilala namin sa kanya, walang gustong maging kaibigan niya. Lagi kasing lasing at wala sa katinuan, kaunting kanti lamang ay hahamunin ka na niya ng away.

May dahilan kung bakit lasenggo si Tenteng. Lumaki daw yun na binubugbog, minamaliit at hinahamak. Kung titingnan mo nga naman kasi, maliit, maitim, mukhang marungis. At pag lasing konti lang ang lamang niya sa taong grasa. Madalas yan, nakakalimutan magtsinelas sa sobrang lasing. Minsan, iisang paa na lang ang tsinelas.

Sa amin lang ng kapatid ko nakikinig si Tenteng, hindi ko maintndihan kung bakit. Kami lang daw kasi ang pumapansin sa kanya. Nakikipag inuman ang kapatid ko sa kanya, at bago ako nagkaroon ng gastriotis, nakikiinom din naman ako.

Noong isang araw, dumaan sa bahay si Tentang. Lasing na. Hinahanap niya ang kapatid ko para uminom ulit. Hindi lumabas ang kapatid ko. Dahilan niya, lasing na si Teng, baka mapapaano pa yun, at kagagalitan din sila ng misis niya. Umalis si Tenteng. Sino ba naman ang makapagsasabi na ang pagsilip ko sa bintana habang pasuray-suray siyang lumalabas ng gate, bigo sa pag-aayang tumoma, ang huli'ng beses na makikita ko siya'ng buhay?

Ilang sandali lamang, nagkakagulo na sa labas ang pamangkin ko, ang kapatid ko, at ilang mga tao. Nilabas ng kapitbahay ang tricycle nila.

Nahulog sa hagdan si Tenteng dala ang isang bata. Tumama sa bato ang ulo at duguan. Wala namang pinsala ang bata. Pero ang tenteng, walang malay. Hindi mapakali ang kapatid ko magdamag. Kung nakipag inuman na lang daw sana siya. Kung pinagbigyan na lang daw niya ang kaibigan niya, hindi sana nahulog sa hagdan yun.

Hindi mabasagan ng pinggan ang katahimikan kanina sa bahay. Lalo niyang sinisi ang sarili, di sana daw ay buhay pa ang kanyang kaibigan. Paulit ulit niyang sinasabi, "Wala na akong kaibigan, Si Tenteng lang ang kaibigan ko..."

Hindi mo talagamasasabi kung hanggang kailan tayo naka check in sa buhay natin, ano? Malay ko ba'ng hndi ko na makikita si Tenteng? Hanggang ngayon nga, ineexpect ko pa din siya na kumatok sa bintana ko, hinahanap ang kapatid ko.

Ano ang sasabihin mo sa kapatid ko na tangfing si Tenteng lang ang kasama para maibuhos niya ang sama ng loob niya? Kay Tenteng siya umiiyak, tumatawa. Ang hindi lang niya magawang gawin kay Teng, yung magalit.


Hindi ko alam ang sasabihin sa kanya.  Ang masasabi ko lang... Teng... paano yan... walang Gran Matador si San Pedro?



Dahil diyan, tatagay ako.

1 comment:

rovie said...

Yes Naka checkin lang tau sa mundo na ito..ndi natin alam kung kailan..sabi nga wala nang rewind sa buhay..

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...