Gabi noon bago ang Domingo de Ramos nang ipinanganak ako. Habang abala ang mga tindera sa paghahabi ng mga palaspas, nalaman ng doktora na suhi pala ako. Unang nasilayan ang aking paapapalabas na mga paa. sa sinapupunan ng aking ina. Nerbiyosa ang doktora na nagpapaanak sa nanay ko. Unang anak. Suhi. Naghanda sila upang ilabas ako sa pamamagitan ng C-Section. Makalipas ang ilang sandali, iniyak ko ang aking unang iyak, ngunit hindi ang aking huli.
Ang unang umaga ko ay Linggo ng Palaspas. Kasabay ng kasiyahan ng magulang ko ay sabay-sabay na iwinawagayway ng mga tao ang kanilang mga palaspas patungo sa kani-kanilang Simbahan. Kasabay ng mga masasayang tunog nagpumapalaspas na mga dahong hinabi sa iba't-iba'ng paraan, natuto akong iwagayway at ikawag ang aking maliliit na braso at binti sa kuna ng ospital sa Sampaloc.
"Masaya" at maraming kulay ang Semana Santa ng panahon na ako'y isinilang. Hindi tulad ng mga pagdiriwang ng Semana Santa nitong mga nakakaraan lamang. Bawat kalsada ay may Pabasa, kung saan, hindi lamang kubol, kundi handaan ang sasalubong sa iyo. Bawat Bayan ay may Sinakulo, bawat baranggay ay may nagpipinitensya. Taos magdasal ang mga tao at hindi mo mabilang ang mga pamahiin na sinusunod pa rin.
Semana Santa ang unang linggo ng buhay ko. Kaya nga siguro mas mahal ko ang Domingo de Pascua kaysa sa mismong Pasko. Ang una ko ring kaarawan ay pumatak sa Pasko ng Pagkabuhay. Unang taon ng saya, unang taon ng pag-asa.
Sa kadahilanang ang kaarawan ko ay pirmi sa ika-10 ng Abril, at ang Semana Santa ay base sa ikot ng buwan sa kalawakan, hindi palaging Domingo de Ramos o Domingo de Pascua natatapat ang aking kaarawan. Kadalasa'y Lunes Santo, Sabado de Gloria at Viernes Santo.
Pinakamalungkot ang pagpatak ng kaarawan ko sa Sabado de Gloria. 14 na taong gulang ako noon at may swimming pool pa kami sa bakuran noon. Nagpa-swimming party kami sa mga kaibigan ko at mga kaklase. Walang nagsidatingan. Dahilan ng ina ko sa akin, marahil daw ay dahil bawal daw maligo o lumabas ng bahay kapag Sabado de Gloria. Marami akong masasayang alaala sa swimming pool na iyon, ngunit malungkot ang alaala ng aking kaarawan doon. Mas mabuti pa sa mga panahong tumutuntong ng Viernes Santo ang kaarawan ko, may bumabati pa sa akin dahil nagkikita kita kami sa prusisyon.
Wala na kaming swimming pool sa bakuran namin. ibinenta ng tatay ko ang lote na iyon sa kapitbahay at ngayon ay bilyaran na siya. Kung tutuusin, pool pa rin naman ang nasa lote na iyon. Bola na nga lamang ang lumalangoy sa sikad ng mga tako imbes na mga tao.
Kaarawan ko taong 2004, sa panaho'ng ang tatay ko naman ay nakaratay sa banig ng kamatayan. Araw ng aking kaarawan nang bumagsak ang presyon ng dugo niya at nanganganib bawian ng buhay. Hindi na kami bigyan ng Red Cross ng dugo dahil kada makalawang araw na lang kung kami ay bumili ng dugo sa kanila, bukod pa roon, hindi karaniwan ang tipo ng dugo ng tatay ko. Hindi mga Santo ang tinawagan ko, kundi Cruz... Si Attorney Mia Cruz-Caisido ang tumulong sa akin upang makausap ang Red Cross at payagan ako'ng kumuha ng dugo hangga't kailangan ng aking ama.
Binawian din naman n buhay ang tatay ko, 18 araw ang nakaraan. Pumalya din ang ibang bahagi ng kanyang katawan. Sa loob ng isa't kalahating buwan ng pagbabantay, paghahanap ng dugo, lahat ng iyak ginawa ko sa silid na walang laman, ilang minuto lamang matapos nilang ilabas ang bangkay ng aking ama.
Iyon ang taon na wala ako'ng kaarawan. Iyon din ang taon na tumigil na ako sa pagdiriwan niyon. Dahil kadikit ng araw na iyon, maaalala ko na naman na wala na akong masasandalan, maaasahan. Lahat kami nakasandal sa aming ama. Ako ngayon ang ipinalit nilang sandalan. At pakiramdam ko na ikamamatay ko ang posisyong iyon.
Soltero ako, wala'ng pagkakataong hindi maging soltero. Marami rin akong problema, gaya ng marami'ng kapwa may suliranin din sa buhay. Bagama't hindi pareho ng pagkakahulma ang ating buhay, alam ko, nakakabahagi rin kayo sa mga paghihirap na tinutukoy ko.
Mahirap ang buhay. Minsan hindi tayo pinapayagang maging masaya, magpahinga at walang alalahanin. May mga bagay na hindi maiaalis. Dati, sinisiguro ko'ng araw ng kaarawan ko man lang ay wala akong isiping problema, maliban sa mga panaho'ng ito, na minsan talaga, hindi mo maiiwasan na magkaroon ng hidwaan. Anumang oras ay maaari akong bawian ng trabaho, uulit na naman ako sa simula at mawawala na naman ang lahat ng pinaghirapan ko. Simula ako ng simula. Ulit ng ulit, parang gulong na paikot ikot lamang.
Alam ko hindi ako dapat maging malungkot, paulit ulit mang bawiin sa akin ang kung anong ipinahiram lamang. Wala naman talaga tayong pag-aari sa buhay natin na permantente. Ang relong suot mo ngayon, isang araw ay tittigil. Ang laptop na ito, tulad ng nauna kong computer at ang computer na nauna pa roon... isang araw ay hindi na mapapagana ng kahit na anong reformat. Hindi lamang ang tatay ko o ang nanay ko ang taong mawawala sa akin na mahal ko.
Paikot ikot lamang ang buhay ko na parang isang mahabang Semana Santa. Ipinanganak ng Domingo de Ramos, iwawakas ng Domingo de Pascua. Parang Tambiyolo. Pinapaasa ka sa isang matinding panalo.
Ruleta ng Kapalaran, kailan kita magiging kakampi?
No comments:
Post a Comment