Noong panahon ng mga Babaylan at mga Datu, nang ang langit at lupa ay magkaibigan pa, nang ang mga espiritu sa ng tubig, hangin at ng kakahuyan ay tumutulong pa sa mga tao, may isang diyamante na kung tawangin nila ay Mu-Ang. Ito ay pinangangalagaan ng Babaylang si Dayon, ang babaylan ng apoy.
Ang Mu-Ang ay kulay itim sa liwanag at nangniningning na luntian sa kadiliman. Sa liwanag, ito ay kasing lamig ng niyebe, at sa kadiliman nama'y sing init ng nangniningas na baga. Marami na ang nagtangkang makuha ang sikreto ng Mu-Ang, Ngunit ito ay nakatago sa puso ng kagubatan, isinilid sa isang mahiwagang yungib na kung tawagin ay ang Yungib ng Kamunduhan.
Sa loob ng yungib na ito, walang nakakaligtas sa lahat ng uri ng kasalanan. Ayon sa matandang paniniwala, ang sinumang pumasok sa Yungib ng Kamunduhan ay mamamatay. Bawal ipasok sa yungib ang hindi binasbasan ni Babaylan Dayon, at ang makapapasok lamang dito ay ang may busilak na kalooban na hindi magugupo ng Pitong Makamundong Kasalanan (7 Deadly Sins), Poot, Inggit, Libog, Katamaran, Kasakiman, Kapalaluan at Katakawan. Snasabing isa-isa kang aatakihin ng mga pagnanasang ito hanggang ikamatay mo, bago ka pa mandin makarating sa silid ng Mu-Ang.
Ngunit bago ka pa man makapasok sa yngib ay nagkalat ang mga Mumbaki ni Datu Bugayon, na pinangunguluhan ni Danum-Galo. Ang mga Mumbaki na ito ay hindi lamang para sa ritwal, bawat isa ay mmay isang lemento'ng kayang utusan: apoy, hangin, tubig, lupa at halaman. Ipinagkaloob ng mga espiritu sa mga mumbaki ang mga kapangyarihang ito upang maipagtanggol ang diyamante sa sino mang nagnanais nakawin ito. Si Danum-Galo ay ang tanging mortal na tao na maaaring sumilay sa Mu-Ang dahil sa pagbabasbas ni Babaylan Dayon.
Taliwas sa paniniwala ng marami, hindi huklubang babae ang mga Babaylan. Sila ay mga pili'ng pinakamatalino, pinakamaganda at pinakakakaibang kababaihan sa bawat Kaharian. Sa buong kaharian, ang puso ni Danum-Galo ang pinakamatibay, pinakabusilak. Si Dayon nama'y ang pinakamaganda, at taglay niya ang isang pares nang napakagandang luntiang mga mata. Sinasabi nilang siya ang pinili ng Mu-Ang dahil ang mga mata niya ay wangis ng diyamante kung ito'y nadadala sa dilim.
Lihim na nagmamahalan si Danum-Galo at Dayon. Kahit ano ay gagawin ni Danum-Galo para sa Babaylan.
Ang paligid ng kagubatan ay napaliligiran ng mga kahariang mas mauunlad sa kaharian ni Datu Bugayong, at lihim na nagusap-usap ang mga Datu ng mga ito tungkol sa pagnanakaw ng Diyamante ng Mu-Ang. Alam nilang wala sa kanilang hukbo ang maaaring kumuha nito sa Yungib ng Kamunduhan kundi si Danum-Galo lamang, kung kaya't pinadala nila si Babaylan Danaya, ang babaylan ng hangin.
Si Babaylan Danaya ay may kapangyarihang magpabago-bago ng anyo. Kaya niyang maging babae, lalaki o hayop. kayta rin niya'ng magkubli sa hangin sa kakahuyan at magpakita lamang kung kailan niya nais. Taglay niya ang lihim na kapangyarihan ng mga mata. Kaya niyang ipakita ang kahit na ano'ng nais niyang ipakita at itago sa kamalayan ang mga bagay na nais niyang ilihim. Alam niyang nag-iibigan si Dayon at si Danum-Galo, kaya't nagpanggap siyang si Dayon at lihim na nakipagkita sa kanya. Sa isang liblib na lugar ay inakit ni Danaya si Danum-Galo, na nagpaubaya naman sa paniniwalang si Dayon ang kanyang katalik.
Ngunit dahil nga sa kabusilakan ng puso ni Danum-Galo, napagtanto niya na ang babaing kaniig niya ay hindi si Dayon, kundi si Danaya, at sa puntong iyon ay nakita na pala ni Dayon ang lahat ng pangyayari at lumisan na tumatangis. Si Danum-Galo nama'y ipiniit nga mga Datu hanggat hindi niya kinukuha sa Yungib ng Kamunduhan ang Diyamante ng Mu-Ang.
Pinahirapan nila ng paulit ulit ang katawan ni Danum-Galo hanggang mawala ang kisig nito. Latay sa latay ang napaon sa kanyang matipunong katawan at halos hindi makatindig sa sobrang pahirap.
Ipinakita ni Danaya kay Danum-Galo ang nangyari kay Dayon matapos silang mahuli'ng nagniniig. Inihain sa kanya ang isang plato na may lamang dalawang mata. Bawat-isa, ang mga luntiang mata ni Dayon. Halos mapunit ang katinuan ni Danum-Galo, at napahiyaw nang malakas na narinig ng lahat ng anito at mga espiritu ng kakahuyan. Idinagdag ni Danaya na bagamat bulag na ang Babaylan ng Apoy, ito ay buhay pa. Ngunit hiindi magtatagal ang buhay nito kung hindi susunod si Danum-Galo.
Halos makalas ang mga tanikala sa paghihinagpis ni Danum-Galo sa mga mata ni Dayon, at sa takot na mawala nang tuluyan ang Babaylan ay pumayag ito. Ibinulong ni Danaya sa hangin na ihatid ang mumbaki sa Yungib ng Kamunduhan.
Doon, napagtanto niya'ng wala na sa kanya ang basbas ni Dayon, kung kaya't halos hindi na niya magupo ang bulong ng Pitong Makamundong Kasalanan. Sari-sari'ng pang-aakit ang sumalubong sa kanya, bawat isa ay dapat niyang malampasan.
Ngunit sa simula pa man, kahit walang pagbabasbas ni Dayon ay busilak na ang kalooban ni Danum-Galo. Kinalimutan niya ang Poot kay Danaya, ang pang-aakit nito, ang panghihina ng katawan, ang inggit na kahit makuha niyang buhay si Dayon, ito ay isa nang bulag, at kahit ang pagpasok sa isipan nito'ng sarilinin ang Mu-Ang at gupuin ang lahat sa kanyang paligid.
Nanginginig na ipinasok ni Danum-Galo ang silid ng Diyamante ng Muang. Sa kanyang pagkabigla, naroroon pala si Dayon, nanghihina, ngunit taglay pa ang mga mata. itinuro niya ang diyamante, na nawawalan ng berdeng kinang.
Napagtanto ni Danum-Galo ang ginawang panlilinlang sa kanya ni Danaya. Ang pinakamalaking pagkakagupo nila ay hindi ang ginawa ni Danayang paghihirap sa katawan ni Danum-Galo, kundi ang panghihina'ng dulot ng paniniwala ni Dayon na nagtaksil si Danum-Galo.
Sa unang pagkakataon ay ipinaliwanag ni Dayon ang kapangyarihan ng Mu-Ang.
Ang Mu-Ang ay ang pag-ibig nilang dalawa ni Danum-Galo. Sa pag-ibig na ito kinukuha ni Dayonang kanyang kapangyarihan bilang Babaylan ng Apoy, dahilang ang Pag-ibig ay laging may apoy. Nabawasan ang kinang nito hindi dahil nakipagtalik si Danum-Galo kay Danaya, kundi dahil naniniwala si Dayon na nagtaksil siya. Ang makakapagbalik lamang ng kinang ng Muang ay kung hahawakan ni Danum-Galo ang nagbabagang init nito at iaalay kay Dayon. Kung hindi siya matupok ng apoy ng diyamante, mapapatunayang busilak ang pag-ibig niya kay Dayon at mapapanumblik ang kapangyarihan niya.
Sa labas naman ng yungib ay nagkakaroon ng isang malaking digmaan ng mga mumbaki. Dahil alam ni Danaya na maaaring nasa loob ng yungib ang Babaylan ng apoy, inutusan niya ang lahat ng mga mandirigma ng mga kaharian upang salakayin ang mga mumbaki at puwersahin ang nanghihinang si Danum-Galo upang ibigay ang diyamante.
Kapwa nanghihina, ginapang ni Danum Galo ang altar ng diyamante at tiniis ang init nito. Binuksan ni Danum-Galo ang luklukan ng Mu-Ang at buong tapang na hinawakan ito. Ibayong hapdi sa balat ang naranasan ni Danum-Galo dahil sa nagniningas na diyamante ng Mu-Ang. Halos maupos ang kanyang mga braso, ay inilapag nito ang nagbabagang diyamante sa may paanan ni Dayon. Hindi bumubukas ang mga mata nito at naluluha. Hindi niya maramdaman ang kapangyarihan! May ligayang nadama si Danum-Galo nang nagniig sila ni Danaya!
Unti-unting nauubos ang mga Mumbaki ng Mu-Ang sa bukana ng yungib, at maririnig ang paghalakhak ni Danaya. Wala pala siyang balak ibigay ang Mu-Ang sa mga ganid na Datu ng mga kaharian. Nais lamang niya ang kapangyarihan ng diyamante upang lubusan nang mapasa kanyang kapangyarihan ang puso ng lahat ng tao.
Sa loob ng yungib, halos makonsumo na ng apoy ang pagod na katawan ni Danum-Galo. Bumukas ang mga mata ni Dayon nang may nakita'ng alaala ni Danum-Galo: Ang laman ng puso ni Danum-Galo nang panahong kaniig niya si Danaya ay Siya. Siya lamang ang nasa puso at isipan ni Danum Galo dahil naniniwala siyang siya ang kaniig nito.
Sa sandaling iyon ay ipinanumbalik ng diyamante ang sunog na katawan ni Danum-Galo. Nahawakan niya'ng muli nang walang sakit na nararamdaman ang Mu-Ang. Nanumbalik ang lakas ni Dayon at pinaligiran ng apoy ang yungib. Dahil Hangin lamang ang kapangyarihan ni Danaya, ay naihip siyang papalayo sa dulo ng lahat ng kaharian, kung saan walang hangin siyang mapagkukunan ng lakas, at walang liwanag.
Hindi na lumabas ng yungib sina Dayon at Danum-Galo. Hindi na rin nakita kailanman ang diyamante ng Mu-Ang. Nagsara ang bukana ng yungib at natabunan sa limot ang alamat ng Mu-Ang.
Ngunit sabi nila, hanggang ngayon ay pinapanatiling buhay ng diyamante ang Babaylan at ang Mumbaki. At hanggang nag-iibigan sila, patuloy na nagdadala ng pag-ibig ang diyamante ng Mu-Ang sa lahat ng tao..
No comments:
Post a Comment