Ilang araw na ang nakakalipas, hindi ko magawang sumulat. Hindi ko alam kung bakit walang lumalabas sa kukote ko. Magdamag ako nagpupuyat sa harap ng computer ko pero wala ni isang patak ng letra o tuldok.
Marahil dahil hindi o alam, nabawasan pala ng tala sa ibabaw ng lupa noong biyernes.
Naalala ko noong ganitong panahon rin noong isang taon, wasak ang kaluluwa ko. Ayoko nang magsulat, ni ayoko nang tingnan ang munti kong blogelya. Pinagkanulo ako ng mga taong pinagkakatiwalaan kko at pinaglaruan ang bawat nararamdaman ko.
Panahon iyon na nawalan na ako ng tiwala sa mga tao at sa sarili ko.
Doon kita unang nakausap nang matagalan sa facebook. Sinabi mo sa akin ang halaga ko bilang isang manunulat, bilang isang taong isinilang na may kakayahan. Sa munti mong nakakatuwang paraan, sa parating pagbisita sa aking blogelya, kahit pa mandin PUTANGINAMPAKSYET ang pamagat nito, wala kang sawang magbasa kung kailan mo kaya, hindi ka nagalit sa akin kung tina-tag kita parati kung may bago akong naisulat.
Ilang buwan kitang kinulit.
Ilang buwan mo'ng pinalakas ang loob ko.
Ipinakita mo sa akin ang halaga ko hindi bilang isang taong nasaktan, o nadapa, hindi tulad ng iba kong mga kaibigan, maganda man ang intensiyon nila... ALAM MO kung ano ang kailangan ng kaluluwa ko nang mga panahon na iyon.
Sa teatro, ang direktor daw palaging nambubulyaw. Parating naninigaw.
Pero malaki ang respeto sa kapwa may akda.
Hindi lahat ng tao ay may kakayahang lumikha, narinig kong sinabi mo. Naaalala ko kahit ang mga maliit na bagay na umuwi kang walang salawal, napapaganda mo sa panunulat. Palihim nating laitin ang kaaway ko... ay mali... nasa wall ko pala lahat yun, nababasa ng mga tao minsan.
Napapangiti na ako.
Hindi pa din ako maka get over nang sinabi ni Karen sa akin ang balita.
Hindi umasa ang pagkaing kinakain ko ng mga oras na iyon. Bumalik ako sa opisina, ngumiti habang sumasagot sa telepono, nang-alo ng mga namumuroblema... pero ang sarili kong puso, may malaking gawak na naiwan sa mensaheng iyon
Mas malaking gawak ang iniwan noon kaysa noong isang taon, nang pinunan mo din ang malaking gawak ng pagkatao ko matapos kong maubusan ng mga kaibigan.
Kahit napasalamatan kita minsan pa, hindi ko alam kung naintindihan mo kung gaano kalaking bagay ang nagawa mo sa simpleng pagpapalakas ng loob ko.
Malakas nang kumokak ang Palakang Petot ko.
Nabasa mo kaya yung huling pinadala ko sa iyo na link? Na sabi mo, nahihirapan kang basahin sa cellphone mo kasi naka mobile internet ka lang sa Facebook noong panahon na iyon? Hindi ko alam na may sakit ka na noon.
Kung alam ko lang, mas kinumusta kita, kaysa kumustahin mo ako.
Kung alam ko lang...
Sana buhay mo ang pinag usapan natin minsan.
Alam kong hindi mo na kailangan ng TAG, LINKS o ng Facebook para mabasa ito. ALAM mo na. Sayang at hindi mo na maaabutan kung lumabas na sa powerbooks o sa National bookstore ang mga aklat na isusulat ko.
Ilalagay pa rin kita sa dedication ko.
At kahit hindi kita kailanman pisikal na nakadaupang palad, mas marami kang naitulong sa akin kaysa sa mga taong nakasama ko ng matagal, pumasyal kung saan saan, nagkodakan kung saan saan na parang mga pekeng celebrity.
Hindi kita malilimutan, Mars.
Salamat, Kaibigan.
No comments:
Post a Comment