Be One of My Froglets

Search This Blog

Tuesday, January 25, 2011

At Iadya Mo Po Kami Sa Lahat ng Masama

Paiba-iba ang bilang ng mga nasawi. Kanina 2 lang daw ang patay. Ngayon, apat na daw ang patay. 3 lalaki at isang babae. Nakaupo na ako sa tapat ng aking computer sa bahay, Pagtingin ko sa aking cellphone, may mga missed calls at mga messages ako mula sa mga tao sa opisina. Hindi ako makasagot. Wala akong load.

Nakatingin ako sa litratong ito mula sa Twitter account ng MMDA:



Kung hindi ko chinika si Rachel sa opisina, malamang kung hindi ako sakay ng bus na iyan, naka-tengga ako sa counterflow traffic ng EDSA . Paano na lang kaya kung katabi'ng bus iyan na sumabog at nakita ko ang pagkamatay ng mga tao sa loob? Paano kung nag aabang ako dyan sa Bus Bay na iyan nang sumabog ang bus na iyan.

Ala-una ng hapon, nagmamadali na ako'ng mag ayos ng gamit sa aking station,
naiinis na 7 minuto na namang out of adherence ang huli ko'ng tawag. Naalala ko pa na si Carlo, na katabi ko ay nanghihiram ng solution panglinis ng contact lens dahil nagkamali siyang maglotion sa kamay bago ilagay ang lente sa mata.

Natural, hinintay ko'ng magbreak siya, bago niya malinis ang contacts niya.

Pagkatapos noon, kinuha ko na ang SMART BRO modem ko na nagbibigay ng WiFi sa kalahati ng Floor, at nahagilap ko ng sulyap habang papalabas rin ng pintuan ang Team Leader namin na si Reng.

Iniisip ko na wag magmadali papauwi. Isasaksak ko ang modem sa bus habang tinatahak ang kahabaan ng EDSA. Madami akong hahanapin sa web na mga resources para sa pinaplano kong bago'ng sulatin.

"Bakla, Wait. Sabay tayo."

Si Rachel. Sasabay siya.

Isip ko... teka, sa may LKG sasakay ito, bound for JP Rizal. Kapag sumabay ako, baka mag LRT na lang ako. Pero hindi ko mailalabas ang laptop ko kapag sumabay ako ng LRT.

Kumunot ang noo ko. Mas mabilis ako makakauwi, pero malamang pagdating ko ng bahay, hindi ko pa agad mabubuksan ang laptop. Tumanaw ako sa kabilang bahagi ng Ayala, papuntang EDSA, pero tinamad na rin ako'ng tumawid ng kalsada, sinakyan ko ang unang bus na nakita ko pa-Baclaran-LRT.

Palampas pa lamang kami ng Fire Station sa may Ayala Extension ay nakita na namin na umandar ang mga sirena ng mga truck. Nagmamadali silang umandar patungo sa EDSA, kabilang bahagi ng BUendia na tinatahak namin sa panahon na iyon.

"May Sunog," Isip ko.

Narating ko ang LRT station ng Buendia, alas 2:30 ng hapon. Nasa bahay na ako ng alas kuwatro.

Pagbukas ko ng messages sa aking telepono, BALITA ang nakita ko.

Isang bus ang sumabog sa EDSA, sa BusBay ng Buendia, ilalim lang ng MRT.



Kung hindi ko hinintay si Rachel at Carlo, malamang either stranded ako sa Buendia, o isa ako sa nasugatan. Malamang sa gitna din ako ng bus sumakay at masayang nagsusurf ng internet sa aking laptop nang sumabog ang bomba sa ilalim ng aking kinauupuan. Malamang, multo ngayon ang nagsusulat ng blogelya ngayon.

Agad-agad ako'ng nagtweet sa pagkamangha ko.


Ang una ko'ng naisip... MAHAL AKO NG DIYOS. Inadya niya ako sa masama. Naalala ko na hindi na ako halos nagdarasal, naalala ko ang huling mga linya ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria.

"Huwag Mo Po kaming ipahihintulot sa tukso at iadya Mo kami sa lahat ng masama, Amen."

"Santa Maria, Ina ng Diyos, Ipanalangin mo kami, ngayon at kung kami mamamatay, Amen."

Taon man ang binilang mula nang huli kong hawakan ang Rosaryo, mag-antanda, magsimba o magpasalamat man lamang sa Diyos, INIADYA PA RIN NIYA AKO SA MASAMANG NANGYARI SA EDSA.

Samakatuwid, MAHAL AKO NG DIYOS. Hindi Niya ako pinabayaan.

Ang pangalawa ko'ng naisip... MASAMA AKO'NG DAMO. Kung oras ko na, malamang kinuha na niya ako. Hindi na siguro ako tinamad. Nagmatigas na lamang siguro ako, sumakay ng bus, umupo sa gitna kung saan paborito ko maupo, malapit sa kung saan kita ko ang bangketa... Ang mismong kinalagyan ng BOMBA na sum,abog sa Newman Goldliner Bus, plate number TXJ-710, na kumitil sa buhay ng 4 na tao at sumugat ng 14 pang iba.

Ano kaya ang nangyari. may mga umiyak kaya? May nagsabi kaya ng "Buti nga? Namatay ka rin."

Pero hindi ganoon ang nangyari.

Buhay ako, at ni hindi ako na-stranded sa traffic gaya ng maramiong tao sa mga oras na ito. Naisip ko na kapag nakita ng mga kaaway ko ngayon ang blog na ito (kung binabasa man nila ito), maiintindihan nila na MAHAL AKO ng DIYOS KAHIT ANONG MUHI NILA SA AKIN.

At ganoon din naman sa kanila.

Kahit anong muhi natin sa isa't isa... mahal ka ng Diyos, at mahal ako ng Diyos.

At wala tayong magagawa doon.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...