Be One of My Froglets

Search This Blog

Tuesday, February 9, 2010

Poof-ness.

Mga bagay na naglalaho'ng parang bula.



Mga bagay na kinagigiliwan mo sa isang sandali, at sa susunod na sandali ay hindi mo na ito makikita kaylanman. Mga sandali'ng akala mo'y hindi malilirip ang kaligayahan mo, yun pala ay ipinahiram lamang sa iyo ang sandali'ng iyon. Walang nagtatagal sa mundo'ng ito. Kahit ang mga bituin sa langit isang araw ay maglalaho rin sila. At hindi mo na makikita.

Paano mo nga naman ihahanda ang sarili mo na tanggapin na ang mga bagay na mayroon ka ngayon, maaring bukas ay wala na sa iyo? Mamumuhay ka ba sa takot at pangamba na balang araw baka agawin sa iyo ang bagay na pinakaiingatan mo?

Takot na takot ako'ng manakawan, madukutan, magkasakit, mawalan ng minamahal sa buhay, maagawan ng kasintahan, mawalan ng bahay, maubusan ng pera. Sobrang daming takot sa utak ko na minsan naiiyak na lamang ako sa takot. May mga araw na kakailanganing yakapin ko na lamang ang srili ko upang maalo ang takot sa aking isipan. may mga gabi'ng nagigising na lamang ako sa takot. May mga umaga'ng punumpuno lamang ako ng balisa.



Nakakalimutan ko minsan na sadyang ganoon lamang talaga ang lahat ng bagay sa buhay na ito. Lahat ng bagay ay maglalaho balang araw. Hindi man sabay-sabay silang maglalaho sa iyo, pero oo, lahat--- ang asawa mo, mga anak mo, ang bahay mo, kahit ang buhay mo... maglalaho balang araw.

Gusto ko lamang i-share... may crush ako dati sa facebook na isang araw... hindi na nag update ng kanyang wall. Ang mga sumunod na updates ay mga post ng mga kaibigan niya na nagpapaalam sa kanya sa huling pagkakaraon: Namatay siya nang maaga dahil sa karamdaman. Nagkaroon siya ng Meningitis at hindi naagapan. Sayang. ni hindi kami nagkausap.

So, paano mo nga naman paghahandaan?

Mahalin mo ang mga bagay na nasasaiyo ngayon. Mahalin mo at alagaan mo. Pagsawaan mo ng sobra-sobra at habang hawak mo pa, hawakan mo ito ng mahigpit. Kumapit ka na para bang huling araw na niya. Para nang sa gayon, nagawa mo na ang nais mong gawin bago pa man ito mawala sa iyo.



Gusto ko lamang sabihin sa iyo na nagpapasalamat ako sa pagbabasa mo ng blogelyang ito kahit sandali. Sana hindi ka pa maglaho. Gusto ko'ng malaman mo na bawat araw na nagsusulat ako dito, ay nadarama ko ang lahat ng sentimiyento ng lahat ng nagbabasa at lahat ng nag-iiwan ng kanyang pahayag sa pahinang ito.



Gusto ko'ng sabihin iyan sa iyo bago isa man sa atin ang maglaho. Sa kahit ano pa mang kadahilanan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...