Sa kalumaan ng baul na iyon, isinilid ko ang aking mga alaala... malulungkot at masasaya. Ang unang ticket ko ng eroplano, ang unang Trade Show, ang unang dula na aking sinulat, mga liham, mga litrato, ang unang pag-ibig (yuck). Sa sala-slansang na mga papel at larawan, mga ticket, susi at maliliit pang bagay.
Ang lumang baul ay dala ko kung saan man ako nakatira. Kasama ko siya nang lumipat ako sa Makati, at kasama ko pa rin siya nang bumalik ako dito sa Bulacan Nang bumagyo at nasalanta kami ni Ondoy, kasama siya sa mga unang nailigtas. Siya ay sisidlan ng aking kaligayahan at kalungkutan, nagpapaalala sa akin ng aking pagkatao. Nagpapatibay ng aking sikmura, nagpalawak ng aking pag unawa, nang mapagpatuloy ang paglalayag sa dagat na kung tawagin ay buhay.
Walang susi ang baul. Matagal nang kinalawang ang kanyang pampinid. Ito na yata ang pinakamatanda sa lahat ng aming lumang kagamitan. Dalawa ang baul... ang mas matanda ay wala na, isa ito'ng halo ng bakal at kahoy. Matagal nang inanay ang baul na iyon, at kinalawang na rin ang bakal na nagdurugtong sa mga ito.
Ang aking baul ay mas payak, isang kahoy na kahon, ngunit akin itong inalagaan. Kada ilang buwan ay pinapahiran ng langis at isang botelya ng Pledge ang aking katuwang. Sa aking paglipat sa Makati, ay bawal siyang buksan ng kahit sino. Nang bumalik ako dito sa Meycauayan ay isa siyang sagradong bagay.
Ako si Moises, at ang aking baul ay ang Kaban ng Tipan.
Parang puso ko... nakapinid, bagama't walang susi. Tulad ng aking baul, laman niya ang napakaraming alaala, mga kaligayahan at kabiguan. Nasasaakin lamang iyon kung may gusto ito'ng kalimutan, o may gusto itong tandaan. Sagrado rin ang aking puso, parang Kaban ng Tipan.
Sino pa ba bukod sa akin ang makakabukas sa Kaban ng Tipan? Kapag ipinakita ko iyon sa iyo, ay iyo na rin ito. Iyon ang hiwaga ng aking puso, ang hiwaga ng aking baul.
No comments:
Post a Comment